Limang unit na ng Mobile Solar-Powered Pump Irrigation Project ang naikalat ng National Irrigation Administration (NIA) Region II sa lalawigan ng Cagayan bilang tugon sa kakulangan ng tubig dulot ng El Niño.
Buwan ng Agosto nang ilunsad ang proyekto na isang makabago at napapanahong inisyatiba upang mapalawak ang access ng mga magsasaka sa suplay ng tubig para sa irigasyon.
Ang inisyatibang ito ay alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palakasin ang mga serbisyo ng irigasyon at mag-deploy ng mga mobile solar pump sa vulnerable areas.
Ayon sa NIA, pinapagana ang sistema ng walong solar panel na may kapasidad na 580 watts bawat isa, na may kabuuang kapasidad na 4.64 kilowatts. Mayroon din itong 50-metrong hose at surge protection device.
Nabatid na kaya nitong patubigan ang tinatayang dalawa hanggang tatlong ektarya bawat araw, depende na rin sa tindi ng sikat ng araw at aktuwal na kondisyon ng operasyon.
Bukod sa pagpapabuti ng suplay ng tubig, inaasahang magbibigay rin ang proyekto ng pakinabang sa ekonomiya ng mga magsasaka. Kung ikukumpara kasi sa gastusin sa gasolina sa tuluy-tuloy na operasyon ng karaniwang water pump, posibleng makatipid ng humigit-kumulang P3,000 ang mga magsasaka.
Sa resultang ito, ang posibleng matitipid ay maaari na umanong ilaan sa pagbili ng binhi, pataba, at iba pang pangangailangan sa produksyon.
Layunin ng interbensiyong ito na mabawasan ang pagkalugi sa pananim, mapanatili ang pagiging produktibo ng mga sakahan, at maprotektahan ang mga magsasaka laban sa karagdagang pagkalugi dulot ng kakulangan sa tubig.
📷NIA Cagayan Valley Region