Target ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng CCTV cameras ang lahat ng malalaking pampublikong paaralan bago matapos ang taon, kasunod ng mga insidente ng pamamaril at iba pang banta sa seguridad sa mga paaralan.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, iniulat ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na umakyat na sa 49 porsiyento ang mga paaralang may CCTV cameras, mula sa 36 porsiyento noong unang security audit matapos ang insidente sa Tacloban.
Ayon kay Masapol, nagmumula sa maintenance and other operating expenses ng mga paaralan, lokal na pamahalaan at parent-teacher associations ang pondo para sa mga CCTV camera.
Gayunman, iginiit ng opisyal na hindi sapat na may nakakabit na CCTV kung walang aktuwal na nagbabantay at sumusubaybay sa mga kuha nito.
Bilang halimbawa, sinabi niyang mayroon nang humigit-kumulang 16 na CCTV cameras sa paaralang pinangyarihan ng insidente sa Tacloban, ngunit nakita sa pagsusuri na hindi sapat ang pagbabantay sa mga monitor.
Dahil dito, inatasan ng DepEd ang mga paaralan na ilagay ang mga CCTV monitor sa lugar na may mga kawani upang regular na masubaybayan ang mga ito.
Sa kasalukuyang polisiya ng ahensya, hindi bababa sa limang CCTV cameras ang inirerekomenda para sa maliliit na paaralan, 10 hanggang 15 para sa medium-sized schools, at hindi bababa sa 20 para sa malalaki o napakalalaking paaralan.