Maghihigpit ang Department of Budget and Management (DBM) sa paggastos ng mga ahensya ng gobyerno para sa planning sessions at iba pang opisyal na aktibidad upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo ng bayan.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, maglalabas ang kagawaran ng mas mahigpit na spending policies kasunod ng pangamba sa mga aktibidad na ginagamit umano ng ilang ahensya upang maubos ang kanilang budget bago matapos ang taon.
Partikular na tinukoy ni De Leon ang mga mamahaling planning session at pagtitipon sa mga hotel na maaaring hindi naman kinakailangan.
Binigyang-diin din ng kalihim na hindi dapat sukatin ang performance ng isang ahensya batay lamang sa laki ng budget na nagastos nito, kundi sa kalidad ng serbisyo at benepisyong naihatid sa publiko.
Tiniyak ng DBM na mananatiling pinapayagan ang mga lehitimong planning session, ngunit dapat makatwiran at naaayon sa layunin ang bawat gastusin.