CREATOR: gd-jpeg v1.0 (using IJG JPEG v62), quality = 90?
Tuloy-tuloy lang ang arangkada ng information campaign ng Metropolitan Waterworkrs and Sewerage System (MWSS) hinggil sa mga tipid tips sa tubig at info materials hinggil sa water conservation.
Sa programang Salaam Radio, sinabi ni MWSS Spokesperson, Engr. Patrick Dizon na maigting pa rin ang panawagan ng MWSS hinggil sa coordinated efforts ng lahat pribado o pampublikong sektor man tungkol sa pagtitipid at pagkonserba ng paggamit ng tubig.
Sinisikap na rin ng MWSS na paabutin sa 210 hanggang 212 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam hanggang sa pagtatapos ng Disyembre upang maitaas ang reserba sa susunod na taon.
Nakikipagtulungan na rin ang MWSS sa mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Water Resources Board (NWRB) kung paano tutugunan ang epekto ng El Niño.
Pagtitiyak pa ni Engr. Dizon na hindi tumitigil sa paghahanda ang pamahalaan dahil patuloy din ang mga ipinatutupad na pulong kasama ang El Niño Task Forece at Office of Civil Defense upang mas mailinya ang mga hakbang kontra El Niño.
Kasama naman sa mga tipid tubig tips na iniwan ng MWSS ang mga sumusunod:
• Bawasan ang oras ng paliligo
• Patayin ang gripo habang nagsasabon o nagsisipilyo
• Paggamit ng gray water, pinagbanlawan, o pinaghugasan na maaaring gamiting pambuhos sa banyo o panlinis sa labas ng bahay
• Silipin kung may tagas ang mga tubo at tiyaking walang lumalabas na tubig sa tangke o mga water closet
• Ipagpaliban ang hindi importanteng paggamit ng tubig tulad ng madalas na paglilinis ng mga sasakyan
• Kapag umuulan, gumamit ng drum para maipon ang tubig na maaaring gamitin sa paglilinis at pagdidilig.