📷 DA
Inaasahang makararanas ng tagtuyot ang 54 na lalawigan sa bansa pagsapit ng pagtatapos ng 2026, kasabay ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng matinding epekto ng El Niño sa susunod na taon.
Batay sa El Niño Snapshot ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UNOCHA), inaasahang magsisimula ang tagtuyot sa Bicol at Eastern Visayas ngayong Oktubre, bago lumawak sa Luzon at MIMAROPA, kabilang ang Metro Manila, sa Enero 2027.
Pagsapit naman ng Marso, posibleng maapektuhan na ang malaking bahagi ng bansa, kabilang ang Western at Central Visayas at Mindanao.
Kabilang sa inaasahang epekto nito ang pagbaba ng produksyon ng agrikultura, kakulangan sa suplay ng tubig, pagtaas ng presyo ng pagkain at mas mataas na panganib ng mga sakit na dulot ng matinding init.
Aabot naman sa $123.2 million ang inilaan ng pamahalaan para sa kahandaan at pagtugon sa El Niño. Nasa 109 na lungsod at munisipalidad na rin ang nagdeklara ng state of calamity, habang tinatayang 4.6 milyong magsasaka at mangingisda ang posibleng maapektuhan, ayon sa report.
Dahil dito, pinaiigting ng pamahalaan at mga katuwang na ahensya ang paghahanda, partikular sa seguridad sa tubig, pagkain, kalusugan at kabuhayan, upang mabawasan ang epekto ng inaasahang matinding El Niño sa mga susunod na buwan.