Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos mahulihan ng walang lisensyang baril sa isinagawang checkpoint operation ng mga awtoridad sa Brgy. Doña Feliza Mejia, Ormoc City, November 7, 2026.
Sa ulat ng Police Regional Office 8, nahuli ng mga tauhan ng Ormoc City Police Station 1 ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Jeo,” residente ng Capoocan, Leyte, matapos itong parahin dahil sa paglabag sa seatbelt law.
Habang isinusulat ang citation ticket ng suspek, napansin ng mga opisyal ang isang maikling baril na nakalagay sa tabi ng driver’s seat.
Nang suriin, nakuha sa kanya ang isang kalibre 9mm na baril na may nakasaksak na magasin at naglalaman ng walong buhay na bala.
Bigo ang suspek na magpakita ng mga legal na dokumento para sa hawak na baril, dahilan upang agad siyang arestuhin sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Binigyang-diin naman ni Police Regional Office (PRO) 8 Regional Director Police Brig. Gen. Romano Cardiño ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na checkpoint sa pagpapanatili ng kapayapaan at paghuli sa mga lumalabag sa batas.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating mga checkpoint at iba pang operasyon upang matukoy at mapigilan ang iba’t ibang uri ng paglabag sa batas. Nais nating matiyak na saanman may pagkakataong makapagsagawa ng ilegal na gawain, naroroon ang Kapulisan upang agad na umaksyon,” pahayag ni PBGen. Cardiño.

