Photo courtesy of DSWD
Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na magbigay ng water filtration kits sa mga komunidad na makararanas ng kakulangan sa malinis na inuming tubig dahil sa El Niño at iba pang kalamidad.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, namamahagi na ang ahensiya ng mga water filtration kit sa mga komunidad na may limitadong access sa malinis na tubig mula pa noong 2024.
Ang portable water filtration kit ay may 0.1-micron filter na kayang mag-alis ng ilang mapanganib na mikroorganismo at bakterya, kabilang ang cholera, salmonella, E. coli at coliform bacteria.
Maaari itong gamitin para salain ang tubig-ulan na naipon sa mga rainwater catcher o palanggana, gayundin ang tubig mula sa mga communal water depot, upang magkaroon ng alternatibong mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig.
Ayon sa kalihim, ang mga filtration kit na nagmula sa Waves for Water Organization Inc. ay sertipikado ng Food and Drug Administration o FDA matapos matugunan ng nasuring tubig ang mga pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water para sa mga parameter na sinuri.
Samantala, patuloy ding ipinatutupad ng DSWD ang Project Local Adaptation to Water Access o LAWA at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished o BINHI na layong paigtingin ang seguridad sa pagkain, at palakasin ang kakayahan ng mga vulnerable na komunidad na makabangon mula sa epekto ng El Niño, La Niña at iba pang climate hazards.