Pinag-aaralan ng House Committee on Ways and Means ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga tinatawag na “alcopops” upang mapigilan ang pagtaas ng pag-inom ng alak sa mga kabataan.
Ayon kay committee chairperson at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo, nakaaakit sa mga kabataan ang ready-to-drink alcoholic beverages dahil sa murang presyo, matatamis na lasa, at makukulay na packaging.
Tinalakay ang usapin sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa mga panukalang magtataas ng excise tax sa mga inuming nakalalasing.
Sinabi ni Quimbo, na kailangang matukoy kung paano epektibong bubuwisan ang mga produktong ito upang mabawasan ang pag-inom ng alak ng mga kabataan.
Layunin nitong maprotektahan ang mga bata laban sa masamang epekto ng pagkalulong sa alak.
Binigyang-diin naman ng mambabatas na hindi basta pagtataas ng buwis ang solusyon kundi kailangang matukoy ang problemang nais tugunan.
Dapat ding isaalang-alang ang tamang antas ng pagbubuwis at posibleng epekto nito sa industriya.
“Ang bawat batang nailalayo natin sa pagkalulong sa alak ay may mas magandang pagkakataong lumaking malusog at makapag-ambag sa kanyang pamilya at sa ating bansa,” saad ni Quimbo.