Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang nito laban sa mga grupo o indibidwal na gumagamit sa mga bata at katutubo para sa pangangaroling ngayong kapaskuhan.
Ito’y ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bahagi ng kanilang prayoridad na protektahan ang mga bata mula sa anumang uri ng pananamantala.
Partikular na tinututukan ng pulisya ang posibleng pagre-recruit at pagdadala sa mga bata sa Metro Manila upang organisadong manghingi o mag-solicit ng pera sa mga lansangan, sa panahong ito.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang child exploitation, human trafficking, at iba pang uri ng pang-aabuso sa mga menor de edad.
Nilinaw naman ni Gen. Nartatez, na hindi nito layuning pigilan ang lehitimong pangangaroling at mga tradisyong pangkultura ng Indigenous communities.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan, para matukoy at mabigyan ng proteksyon at kaukulang tulong ang mga posibleng biktima.
Sa panahon ng pagbibigayan at malasakit ngayong kapaskuhan, sinabi ni Nartatez na hindi dapat pagkakitaan ang mga bata.
Tiniyak niyang patuloy na kikilos ang PNP upang maprotektahan ang mga ito laban sa mga taong nagsasamantala sa kanilang kahinaan para sa sariling pakinabang.