Kiko Pangilinan
Tiniyak ni Senador Kiko Pangilinan na may nakalaang P600 milyong Quick Response Fund ang Department of Agrarian Reform (DAR) para makatulong sa mga magsasakang maaapektuhan ng El Niño.
Ayon kay Pangilinan, sponsor ng 2027 budget ng DAR, inilaan ang pondo bilang paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot.
Kabilang din sa mga hakbang ng ahensya ang pagkakaroon ng solar-powered irrigation projects, gayundin ang pagsusulong ng mga pananim at pamamaraan ng pagsasakang mas makakayanan ang epekto ng climate change.
Para sa 2027, may panukalang P949 million para sa dalawang programa na magbibigay ng farm inputs, makinarya at iba pang tulong sa mahigit 26,900 agrarian reform beneficiaries.
Samantala, isinusulong ni Pangilinan ang dagdag na P1.7 billion sa 2027 budget ng DAR, na magtataas sa kabuuang alokasyon nito sa P16.12 billion.
Kabilang sa paglalaanan ng dagdag-pondo ang P600 million para sa VISTA program na magpapalakas sa kabuhayan ng maliliit na magsasaka at P500 million para sa kompensasyon ng mga may-ari ng lupang saklaw ng repormang agraryo. | ulat ni Nimfa Asuncion