Mas mapapabilis nang hanggang tatlong araw ang pagproseso ng mga inaangkat na produkto matapos alisin ng Bureau of Customs o BOC ang mandatory prior clearance mula sa Imports Assessment Service o IAS.
Sa ilalim ng Office of the Commissioner Memorandum Order No. 124-2026 na nilagdaan ni BOC Commissioner Charlito Martin Mendoza, hindi na kailangan ang awtomatikong clearance mula sa IAS kung nakabatay lamang ito sa commodity classification o tariff heading.
Saklaw ng bagong patakaran ang mga sasakyan, heavy equipment, makinarya, barko, iron and steel products, bulk rice at resin.
Ayon kay Mendoza, layunin ng hakbang na mapababa ang gastos sa logistics at pagnenegosyo sa bansa, alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick D. Go.
Nilinaw naman ng BOC na mananatili ang regular na inspeksyon at iba pang kinakailangang permit sa mga pantalan. Ire-refer lamang sa IAS ang mga kargamentong may kahina-hinalang deklarasyon o natukoy na risk indicators.
Kasabay nito, palalakasin din ng ahensya ang Enhanced Value Reference Information System o e-VRIS upang higit pang mapahusay ang risk assessment alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act o CMTA. | ulat ni DK Zarate