Inihayag ni House Speaker Faustino Dy III ang suporta ng Kamara sa pagpapalakas ng Project NOAH upang mapatatag ang kahandaan ng bansa sa mga kalamidad at maprotektahan ang buhay ng mga Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism and Creative Industries Development, ibinahagi ng lider ng kamara na naglaan ang 20th Congress ng isang bilyong piso para sa Project NOAH sa ilalim ng 2026 national budget.
Ayon kay Dy, mahalaga ang paggamit ng agham at teknolohiya upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na maagapan ang mga sakuna, mabawasan ang pinsala at mailigtas ang buhay ng mga mamamayan.
Binigyang-diin din ng Speaker na ramdam ng mga magsasaka at ordinaryong pamilya ang epekto ng climate change, kabilang ang matinding tagtuyot at pagbaha na sumisira sa kabuhayan at mga tahanan.
Inaasahang makatutulong ang Project NOAH sa pagpapalakas ng disaster preparedness sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga hazard at resilience map na gagamitin ng mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion