Kumporme si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “flexing of muscles” o isang pagpapakita ng lakas ng China ang pagdaan ng kanilang H-6 Bomber Aircraft sa bahagi ng Manila Bay, kamakailan.
Sa panayam kay Teodoro sa Cebu, sinabi nito na walang dapat ikaalarma dahil nag-iisa lamang ang nasabing eroplano nang dumaan ito sa airspace ng bansa at sinusubukan lamang ang kakayahan ng Pilipinas na ma-detect ito.
Gayunman, sinabi ng kalihim na maaari itong gamiting batayan para makapaghain ng panibagong diplomatic protest laban sa China sa sandaling lumabag ito sa Air Defense Identification Zone ng Pilipinas.
Una rito, kinumpirma ni AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad na namataan nila ang naturang Chinese aircraft sa layong 170 nautical miles mula sa Metro Manila at 45 nautical miles sa pinakamalapit na baybayin.