Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
Hinimok ni Senadora Imee Marcos ang Department of Justice (DOJ) na pabilisin ang pagpapalaya sa mga person deprived of liberty (PDL) na matatanda na, may malubhang karamdaman, at matagal nang nagsisilbi ng sentensya.
Sa interpellation sa panukalang 2027 budget ng DOJ, sinabi ni Marcos na dapat nang aksyunan ang mga nakabinbing aplikasyon para sa executive clemency at good conduct time allowance (GCTA) ng mga kwalipikadong bilanggo.
Ayon sa senadora, may ilang bilanggo na edad 70 pataas na at lima hanggang sampung taon nang naghihintay ng executive clemency. Kabilang dito ang mga may terminal cancer, malubhang karamdaman, at hindi na kayang maglakad.
Binigyang-diin niya na dapat awtomatikong isumite sa Office of the President para sa clemency review ang records ng mga bilanggo na edad 70 pataas at may pinal nang hatol, alinsunod sa memorandum ng Bureau of Corrections.
Tinatayang 54 na PDL ang naghihintay ng pagpapalaya, habang nasa 500 hanggang 800 pa ang posibleng kwalipikado sa clemency o iba pang paraan ng pagbabawas ng sentensya.
Giit ni Marcos, makatutulong ang pagpapalaya sa mga kwalipikadong bilanggo upang maibsan ang siksikan sa mga kulungan.
Sinabi naman ni Senador Kiko Pangilinan, sponsor ng budget ng DOJ, na nakatakdang talakayin sa Disyembre 7 ng Office of the President at Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ang pagpapabilis sa proseso at pag-aksyon sa mga nakabinbing aplikasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion