Posibleng napunta sa mga maanomalyang flood control projects ang pondong inilipat mula sa mga foreign-assisted projects (FAPs) ayon kay Senador Ping Lacson.
Sinabi ni Lacson na umabot na sa halos P600 million ang binayaran ng gobyerno bilang commitment fees at penalties dahil sa mga proyektong pinondohan ng foreign loans pero hindi naipatupad.
Batay sa impormasyong inilahad sa plenary budget deliberations, nagbayad ang gobyerno ng 1.5 million dollars noong 2024 at walong milyong dolyar noong 2025.
Hinala ni Lacson, maaaring nagamit sa ibang proyekto ang pondo ng FAPs matapos itong ilipat ng Kongreso gamit ang kapangyarihan nitong maglaan ng pondo o ang power of the purse.
Sa 2027 budget, sinabi ni Lacson na ibinalik ng Senado ang kabuuang alokasyon para sa FAPs sa P459.16 billion mula sa P328.45 billion na inilaan ng Kamara.
Gayunman, hindi pa rin ganap na naibalik ang orihinal na alokasyon sa ilang proyekto batay sa National Expenditure Program (NEP).
Nanawagan si Lacson na ibalik sa orihinal na antas ang pondo ng mga foreign-assisted projects para maiwasan ang panibagong pagbabayad ng commitment fees at penalties.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga mambabatas na muling suriin ang mga prayoridad sa paggastos ng gobyerno at iwasan ang mga proyektong hindi kapaki-pakinabang sa ekonomiya. | ulat ni Nimfa Asuncion