Pinalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang saklaw ng mga benepisyo nito upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa serbisyong medikal.
Kabilang sa mga bagong benepisyo na inilatag sa PhilHealth Forward 2026 ang pinalawak na maternity care package, mas mataas na coverage sa piling serbisyong medikal para sa mga buntis at kababaihan, at pagpapagamot sa mga pasyenteng may katamtaman hanggang malalang kaso ng leptospirosis.
Inilunsad din ang benefit package para sa mga batang may developmental disabilities, gayundin ang suporta para sa mga kwalipikadong solo parent at persons with disabilities (PWD).
Bukod dito, napabilis na rin ang pagproseso ng PhilHealth claims na ngayon ay nababayaran na sa average na 17 araw.
Tiniyak naman ni Department of Finance Secretary Frederick Go ang suporta ng kagawaran sa paglalaan ng sapat na pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan.
Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng responsableng pamamahala sa pondo ng PhilHealth upang matiyak na patuloy na mapapakinabangan ng mga miyembro ang kanilang mga benepisyo sa mga susunod na taon.