Photo courtesy of OWWA Region 8
Isinagawa ngayong Biyernes September 25, sa Maasin City, Southern Leyte ang “Alagang OWWA 8, Serbisyong May Puso Caravan 2026,” isang programang naglalayong maghatid ng iba’t ibang serbisyo, impormasyon, at tulong para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya sa lalawigan.
Bukas para sa mga kalahok ang mga service booth ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba’t ibang katuwang na ahensya ng pamahalaan, kung saan maaaring makakuha ng impormasyon, konsultasyon, at agarang serbisyo ang mga OFW at kanilang mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga serbisyong inihahatid sa caravan ang OWWA membership at E-Card services, welfare at medical assistance, legal at employment facilitation, livelihood at entrepreneurship opportunities, health and wellness services, financial literacy, documentation assistance, at information services, gayundin ang iba pang programa mula sa mga participating government agencies.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni OWWA Deputy Administrator Jasmine Ann Gapatan na hindi lamang sa malalaking siyudad dinadala ng OWWA ang mga programa at serbisyo nito. Aniya, mahalagang personal na mapuntahan ng ahensya ang mga lugar kung saan higit na kinakailangan ang serbisyo at tulong ng pamahalaan.
Layunin ng programa na mailapit sa mga OFW at kanilang pamilya ang mga serbisyo ng pamahalaan at matiyak na mas madali nilang maa-access ang mga programa at tulong na kanilang kailangan.
Sa pamamagitan ng Alagang OWWA 8, Serbisyong May Puso Caravan 2026, patuloy na isinusulong ang mas malapit, mabilis, at makataong serbisyo para sa mga OFW at kanilang mga pamilya, saanmang bahagi ng rehiyon sila naroroon.