Photo courtesy of AP
Ikinagalak nina Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang pagkakaloob ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.
Ayon kay Elago, tagumpay ito ng pagkilos ng iba’t ibang grupo na sa loob ng halos 15 taon ay patuloy na nanindigan para sa kalayaan at hustisya ni Veloso.
Aniya, hindi kusang dumating ang kalayaan ni Veloso dahil ipinaglaban ito ng kanyang pamilya, migranteng Pilipino, mga religious group, human rights defenders, women’s groups, abogado at iba pang sumuporta sa kanyang kaso.
Patuloy aniya ang panawagan ng Gabriela na panagutin ang mga human trafficker, protektahan ang mga migranteng Pilipino, at wakasan ang sistemang nagtutulak sa ating mga kababayan sa pagsasamantala.
Para naman kay Cendaña, ang absolute pardon ay hindi lamang tamang desisyon kundi tagumpay ng hustisya.
Nakikiisa rin siya sa pamilya Veloso na matapos ang mahabang paghihintay ay makakauwi na si Mary Jane.
Kasabay nito, kinilala ni Cendaña ang halos 15 taong pakikibaka ng mga OFW groups, migrant rights advocates at mga Pilipinong nanindigan para mailigtas si Veloso mula sa death row.