Dapat kilalanin at igalang ng lahat, anuman ang maging pasya ng Korte Suprema kaugnay sa petition for certiorari kaugnay ng voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, makaraang hingan ng reaksyon kaugnay sa kinukuwestiyong desisyon ng Senado na babaan ang voting threshold.
Kung matatandaan, una nang nagdesisyon ang senator-judges na hindi na ibabase ang 2/3 requirement sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado ang botohan, para sa conviction sa impeachment trial ni VP Sara.
Paliwanag ng opisyal, ang mga desisyon ng Kataas-taasahang Hukuman sa mga kaso ay nagiging bahagi ng jurisprudence, kaya’t nararapat lamang itong sundin.
“Sa ngayon kung anong magiging desisyon ng Supreme Court dapat tuparin, dapat igalang hindi lang sa panahon ngayon kung hindi sa mga susunod na henerasyon maliban lamang kung maaabandona ang kanilang magiging desisyon at magkakaroon ng panibagong tema o panibagong paniniwala at opinyon at jurisprudence or rather decision na siyang magiging bagong jurisprudence.” —Castro