Idineploy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) patungong Tarlac City ang mga kagamitan para makatulong sa mga apektado ng pagguho ng bahagi ng Aquino Bridge dahil sa malakas na ulan. Pinangunahan nina MMDA Chairperson Atty. Don Artes, Cabinet Secretary Benhur Abalos, at Tarlac City Mayor Susan Yap ang pagde-deploy ng mga equipment sa MMDA Motorcycle Riding Academy sa Meralco Avenue, Pasig City.
Kabilang sa mga ipinadala ang 50 pontoons, apat na multi-purpose truck, isang military truck, walong motorized rubber boats, at 50 piraso ng life vest.
Sa panayam ng media, sinabi ni Artes na bukod sa mga kagamitan ay nasa 45 tauhan ng Public Safety Division ang ide-deploy rin para tumulong sa pag-operate at pag-set up ng mga equipment.
Sinabi naman ni Abalos na ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong hanggang sa matapos ang pagkukumpuni ng Aquino Bridge. Tiniyak naman ng MMDA ang kahandaan na magbigay ng karagdagang tulong kung kinakailangan at mananatili ang nasabing kagamitan hangga’t ito ay kakailanganin sa nasabing probinsya.