Pinabilis at pinadali na ng pamahalaan ang pagkuha ng medical assistance para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal sa pamamagitan ng Electronic Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o e-MAIFIP.
Ayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., maaari nang makinabang sa programang ito ang mga outpatient o hindi na-admit sa ospital, gayundin ang mga inpatient o naka-confine.
Sa ilalim ng e-MAIFIP, mas mabilis nang napoproseso ang medical assistance mula sa Department of Health (DOH).
Mas pinadali rin ang pag-access sa serbisyo sa pamamagitan ng eGovPH super app, kung saan maaaring magsumite at magproseso ng mga kinakailangang dokumento para sa tulong medikal.
Nilinaw ng DOH na bukas ang programa para sa mga kwalipikadong pasyente na nangangailangan ng suporta sa kanilang gastusing pangkalusugan.
Samantala, inaasahan pang madaragdagan ang mga ospital na magiging e-MAIFIP partner health facilities sa mga susunod na araw at buwan upang mas marami pang Pilipino ang makinabang sa mas mabilis at episyenteng serbisyong medikal ng pamahalaan.