Magde-deploy ng mga sasakyan ang Quezon City Police District (QCPD) sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod Quezon para magbigay ng libreng sakay kaugnay ng dalawang araw na tigil-pasada na ikinasa ng grupong MANIBELA.
Layunin nitong matulungan ang mga commuter na posibleng maapektuhan ng transport strike at matiyak na makararating sila sa kanilang mga destinasyon.
Kabilang sa mga rutang pagseserbisyo-han ng libreng sakay ang Commonwealth, Litex, Fairview, Batasan, Cubao, EDSA, Quirino Highway, Mindanao Avenue, at iba pang pangunahing kalsada sa lungsod.
Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa QCPD sa pamamagitan ng hotline na 0917-840-3925 o tumawag sa 911 at 122 para sa police assistance at emergency.
Sa ngayon, normal pa ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan sa mga pangunahing ruta sa Quezon City.