Sinuri ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang dalawang nagpapatuloy na Farm-to-Market Road (FMR) projects sa Albay noong June 17 at 18 upang tiyakin ang kalidad at kahandaan ng mga ito bago tuluyang ipasa sa mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga ininspeksyon ang Paulog-Bonga Farm-to-Market Road sa Lungsod ng Ligao, na ipinatutupad ng DPWH Albay 3rd District Engineering Office, at ang Luya-Dalipay-Sugcad Farm-to-Market Road sa Polangui, na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ang inspeksyon nina Provincial Agrarian Reform Program Officer I Engr. Randy Frogosa at Project Development Officer IV Gerry Pascua ng DAR Central Office, kasama ang DAR Albay Special Project Agrarian Reform Fund Oversight Committee sa pangunguna ni PARPO II Engr. Gerardo Ebrada.
Layunin ng dalawang araw na inspeksyon na suriin ang kasalukuyang kalagayan ng mga kalsada habang papalapit ang pagkumpleto ng mga ito at matugunan ang anumang natitirang usaping pang-inhinyeriya at logistikal bago ang pinal na turnover.
Ayon sa DAR Albay, inaasahang magbibigay ang mga konkretong kalsadang ito ng mas mabilis na akses ng mga agrarian reform beneficiary at magsasaka sa mga pangunahing pamilihan, habang mapapadali rin ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga dating liblib na komunidad. Bahagi ang pagtatayo ng mga Farm-to-Market Road sa siyam na puntong agenda ni DAR Secretary Conrado Estrella III para sa pagpapaunlad ng kanayunan, pagpapalakas ng lokal na ekonomiya, at pagsusulong ng sustenableng produktibidad sa agrikultura. | ulat ni Paul Hapin | Rp Albay
📸DAR Albay