Inaasahang maipatupad sa halalan ng 2028 ang House Bill No. 8389 o Anti-Political Dynasty Act na naipasa ng Kamara de Representantes.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni House Deputy Speaker Paolo Ortega na ito ang inaasahang panahon ng pagpapatupad ng panukala, depende sa magiging pinal na bersyon na mapagkakasunduan ng Kamara at Senado.
Layunin ng panukala na limitahan ang sabayang paghawak ng mga magkakamag-anak sa ilang posisyon sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng tinatawag na clustering system.
Sa House version ng panukala, hindi maaaring tumakbo sa magkakaugnay na posisyon sa parehong lalawigan, lungsod, o munisipyo ang mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity.
Gayunman, kinilala ng mambabatas na maaari pang magkaroon ng mga pagbabago sa panukala kapag natalakay na ito sa Senado at sa bicameral conference committee.