Ipinagtanggol ng isang kongresista ang pagpili kay Senador Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni House Deputy Speaker Paolo Ortega na bagama’t may ilang sektor na hindi sang-ayon sa naging desisyon, wala umanong legal na hadlang kung abogado man o hindi abogado ang mamuno sa paglilitis.
Sinabi rin niya na may kalamangan si Escudero dahil isa umano siya sa mga pangunahing bumalangkas at nag-amyenda ng impeachment rules at implementing rules and regulations ng Senado.
Dahil dito, inaasahang mas kabisado niya ang mga patakaran at prosesong gagamitin sa impeachment proceedings.
Dagdag pa ni Ortega, mahalaga ang malalim na kaalaman sa mga tuntunin upang matiyak ang maayos at patas na pagdinig sa kaso.