Hinimok ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara ng State of Calamity sa mga lugar na matinding apektado ng El Niño.
Sa House Resolution 1629 na inihain ni De Lima, iginiit nitong kailangan ang agarang deklarasyon upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda at pagpapatupad ng mga hakbang para matulungan ang mga apektadong komunidad.
Iminungkahi rin niya ang pagdedeklara ng State of Imminent Disaster sa mga lugar na inaasahang matinding tatamaan ng El Niño upang makapagsagawa ng mga hakbang na makaiiwas sa mas malaking pinsala.
Batay aniya sa datos ng Department of Agriculture, umabot na sa halos ₱10 bilyong piso ang pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño, na nakaapekto sa mahigit 324,000 magsasaka.
Hiniling din ni De Lima ang agarang pagpapalabas ng pondo para sa ayuda, irigasyon, crop insurance, at kabuhayan ng mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na bantayan ang suplay ng tubig at pagkain, gayundin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at kumilos laban sa overpricing, profiteering at hoarding.