Tiwala o trust ang pundasyon ng ugnayan, lalo na sa negosyo, ito ang tugon ni financial analyst na si Jonathan Ravelas sa posibleng epekto sa ekonomiya ng anumang pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ravelas na kapag may corruption at may mga lumalabag sa batas na hindi napapanagot, natural lang na mararamdaman ng publiko na hindi patas ang laban. At kapag ganyan ang klima, dagdag ni Ravelas, pati ang ekonomiya nadadamay.
Sinabi din ni Ravelas na ito rin ang dahilan kung bakit paulit-ulit ang panawagan ng Pangulo na ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan, dahil habang nagpapatuloy ang impeachment, naiipit din ang ibang mahahalagang batas na kailangan para pabilisin ang economic recovery.
Sa madaling salita, ani Ravelas, dalawang front ang tinatamaan, ang political stability, at ang economic momentum.
Tanong naman ni Ravelas sa mga mambabatas, kung ano ba ang mas mahalaga? Ang pulitika o ang kapakanan ng ekonomiya na araw-araw inaasahan ng milyon-milyong Pilipino?
Ayon kay Ravelas, nakita noong panahon ng pandemya kung gaano kabilis kumilos ang economic team para maglatag ng mga hakbang na nakatulong sa bansa. Iyon ang klase ng urgency na kailangan ulit ngayon.
Kaya ang panawagan Ravelas, kumilos na dahil habang tumatagal ang tensyon, mas bumabagal ang pagbangon at mas lumalayo ang pagkakataong makabawi ang ekonomiya.