Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong itinuturing na high-priority target ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang $2 bilyong healthcare fraud scheme sa Estados Unidos.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Herbert Leon Kimble, 60 taong gulang, na naaresto sa isang commercial area sa Pasig City noong Hunyo 11. Isinagawa ang operasyon ng BI Fugitive Search Unit katuwang ang mga intelligence officer ng pamahalaan.
Ayon sa mga awtoridad, si Kimble ay may federal arrest warrant mula sa South Carolina dahil umano sa pamumuno sa isang malawakang panloloko na nagdulot ng mahigit $2 bilyong pagkalugi sa mga programang pangkalusugan na pinopondohan ng pamahalaan ng Estados Unidos. Kabilang umano sa modus ang pagbebenta at pamamahagi ng mga hindi kinakailangang orthopedic brace na isinisingil sa Medicare.
Binigyang-diin ni Viado na hindi magiging kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas. Na-deport si Kimble noong Hunyo 18 at isinama na rin sa blacklist ng BI upang hindi na muling makapasok sa bansa.