Photo courtesy of US Vice President Vance's FB Page
Kabilang ang isang emergency session kaugnay ng kaguluhan sa Lebanon sa pag-uusapan ng world leaders sa gagawing pagpupulong sa Switzerland, na layong tapusin na ang giyera sa Gitnang Silangan.
Ito ang inihayag ng isang diplomat na lalahok sa naturang pulong, ayon sa ulat ng CNN.
Matatandaan na bago lumipad patungong Switzerland, sinabi ni United States Vice President JD Vance na isa sa mga prayoridad sa pagpupulong ang pag-usad ng talakayan para sa tigil-putukan sa Lebanon, na muling inatake ng Israel gamit ng missiles.
Ibinahagi naman ng isang Iranian official na ang pagtatapos sa sigalot sa Lebanon ang isa sa mga pinakamahalagang usapin na nakapaloob sa agenda ng Iranian delegation.
Samantala, nakaalis na sina Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif at Pakistani Army Chief Syed Asim Munir sa Islamabad upang makilahok sa pagpupulong sa Switzerland.
Ang Pakistan ang isa sa mga major mediator sa negosasyon sa pagitan ng US at Iran magmula nang unang ianunsyo ang isang tigil-putukan.