Photo courtesy of Taiwan National Security Council Secretary-General Joseph Wu on X
Nagpahayag nang matinding pag-aalala ang Taiwan sa presensiya ng mahigit 50 sasakyang pandagat ng China sa malawak na bahagi ng karagatan mula katimugang Japan hanggang Taiwan at sa karagatang malapit sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ng Secretary-General ng National Security Council ng Taiwan na si Joseph Wu na malinaw ang banta sa seguridad ng Taiwan, Japan, at Pilipinas dahil sa sabay-sabay na pagkilos ng mga sasakyang pandagat ng China.
Batay sa inilabas na mapa ng kalihim, ipinakitang nasa 53 barko ang namataan, kabilang ang 34 na barkong pandigma at ang aircraft carrier na Liaoning.
Nasa silangan ng Pilipinas ang carrier at kasama nitong grupo habang may iba pang pangkat ng barko sa silangan at timog-silangan ng Taiwan at katimugang Japan.
Samantala, sinabi ng China na nagsasagawa lamang ng regular na pagsasanay ang Liaoning.
Patuloy namang mino-monitor ng Taiwan ang mga aktibidad ng China upang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.