Suportado ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang panawagang i-decriminalize ang libel at cyber libel upang maiwasan ang paggamit sa mga kasong ito para takutin at patahimikin ang mga mamamahayag.
Ayon kay de Lima, nakatakda silang maghain ng panukalang batas para alisin ang kriminal na pananagutan sa libel at cyber libel, na aniya’y ginagamit ng mga makapangyarihan at maimpluwensiyang personalidad upang supilin ang kritisismo, atakehin ang kalayaan sa pamamahayag, at pahinain ang demokrasya.
Kasunod ito ng pag-aresto sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. kaugnay ng kasong cyber libel laban sa kanya.
Binigyang-diin ni de Lima na dapat pa ring managot ang sinumang umaabuso sa kalayaan sa pagpapahayag, ngunit hindi katanggap-tanggap ang paggamit sa batas upang limitahan ang karapatang ito.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga nagsasampa ng ganitong mga kaso na huwag itong gamitin bilang panakot sa mga mamamahayag, at igalang ang pagkakaiba ng pagpapakalat ng maling impormasyon sa lehitimong pamamahayag na nagtataguyod ng katotohanan at pananagutan.