Itinuturing ng Philippine Space Agency (PhilSA) na isang uri ng milestone ang adoption ng ASEAN leaders sa Declaration on Space Cooperation.
Sa panayam ng programang Boses kay PhilSA Director General, Dr. Gay Jane Perez, sinabi niyang hindi lang ito magdadala ng pag-unlad sa buong ASEAN kundi labis din itong makatutulong para sa pagpapaunlad pa ng Space technology and industries ng Pilipinas.
Sa tulong kasi nito ay mapapaigting na ang regional cooperation ng mga bansang kasapi ng ASEAN kasama rin ang iba pang partner nations nito pagdating sa usapin ng kooperasyon sa space safety and security, space economy and workforce, at pag-develop pa ng space technologies.
Ayon kay Perez, napatunayan na ang importansiya ng space sciences sa buong mundo bagay na mas kinikilala na ngayon ng ASEAN bilang isang napakahalagang domain pagdating sa pag-unlad.
Dagdag pa ni Perez, na sa tulong din ng kooperasyon ay mas madali at mas mabilis na rin ang magiging palitan ng impormasyon pagdating sa larangan ng space science, technology and innovation sa buong ASEAN region.
Ilan pa sa mahahalagang gamit ng space technology and sciences ay ang aspeto ng seguridad gayundin ang climate and weather monitoring na makatutulong naman sa linya ng disaster preparedness ng mga bansang kasapi ng ASEAN.