Ibinida ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kakayahan ng kanilang mga barkong pandigma at combat aircraft matapos ang isinagawang maritime strike exercise sa karagatan ng Palauig Point sa Zambales.
Bahagi ito ng ika-10 yugto ng AFP Joint Exercise – Dagat, Langit at Lupa (AJEX-DAGITPA) para sa taong ito.
Ayon sa AFP, bukod sa 2 Navy frigates na may AW159 helicopters, lumahok din sa pagsasanay ang 2 Offshore Patrol Vessels, 3 Fast Attack Interdiction Craft-missiles, landing ship at shore-based anti-ship missile system.
Nagpakitang-gilas din sa pagsasanay ang dalawang FA-50 at tatlong A-29B Super Tucano aircraft ng Philippine Air Force upang subukin ang paggamit ng long-range anti-ship missile systems.
Kasama rin sa pagsasanay, ayon sa AFP, ang pag-deploy ng Shore-Based Anti-Ship Missile Battery sa Pangasinan.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng militar na protektahan ang karagatan ng bansa, partikular ang Luzon Strait, laban sa posibleng pagpasok ng mga kalabang puwersa.