Kinondena ng Office of Civil Defense-Negros Island Region ang vandalism sa Kanlaon Volcano Observation Station sa Sto. Manghumay, Mailum, Bago City.
Ito’y matapos sadyang putulin ang mga kable ng mga monitoring instrument nito, dahilan para pansamantalang hindi ito gumana.
Ayon sa OCD-NIR, mahalaga ang naturang istasyon sa pagbabantay sa aktibidad ng Bulkang Kanlaon na patuloy na nakararanas ng volcanic unrest at pagtaas ng seismic activity.
Nagbibigay ito ng mahahalagang datos para sa pagtukoy ng panganib at pagbibigay ng maagang babala sa mga komunidad.
Dahil dito, nananawagan ang OCD-NIR sa publiko na pangalagaan ang mga pasilidad na ginagamit sa disaster monitoring at agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad na maaaring magbanta sa mga imprastrakturang mahalaga sa kaligtasan ng publiko.