Nasa ligtas at maayos nang kalagayan ang nasa 19 na tripulanteng Pilipino matapos tamaan ng drone attack ang sinasakyan nilang Liberia-flagged LPG tanker na MT GAS HUSKY sa Exclusive Economic Zone ng Bulgaria sa Black Sea.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo J. Cacdac, matapos ang ligtas na paglilikas sa lahat ng tripulante bago tuluyang lumubog ang barko mula sa pag-atake.
Ayon sa kalihim, may helicopter na sumagip sa mga naturang tripulante, kung saan 2 sa kanila ang nagtamo ng minor injuries.
Kasalukuyan na silang nasa isang hotel sa Bulgaria at tumatanggap na ng kaukulang tulong buhat sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Tumutulong din ang manning agency sa pagtugon sa agarang pangangailangan ng mga nasagip na tripulante habang ikinakasa na aniya ang repatriation para sa mga ito.
Nangyari ang pag-atake, ani Cacdac, sa labas ng kasalukuyang high-risk zone sa Black Sea, kung saan apat na insidente na rin ng pag-atake sa mga barko sa rehiyon ang namonitor ng DMW.