Nagpahayag ng pasasalamat ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pinuno ng Association of South East Asian Nations (ASEAN), sa pangunguna ni President Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagsuporta sa Declaration on Fair, Ethical and Sustainable Recruitment for Empowered Migrant Workers sa nagpapatuloy na ika-49 ASEAN summit sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, sinabi nito na ang deklarasyon ay naglalayong protektahan ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at iba pang migranteng manggagawa sa rehiyon sa pamamagitan ng pagsugpo sa ilegal na recruitment, pagbabawal sa labis na bayarin, at pag-regulate sa mga manning agency.
Aniya, Kabilang sa mga pangunahing pangako ang pagtataguyod ng mga transparent na kasanayan sa recruitment, pagtiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho pagdating sa mga bansang pagtatrabahuhan ng Overseas Filipino Workers at ibang migrant workers.
Binigyang-diin din ni Sec. Cacdac na kikilalanin ng bansang miyembro ng ASEAN ang kapamaraanan dito sa Pilipinas at ang kani-kanilang mga licensing regulation system para masigurong maayos at ligtas ang mga OFW.
Dagdag pa ng kalihim, ang mga kontrata ng mga OFW na kanilang pipirmahan ay nakatala sa wika na kanilang naiintidihan upang makaiwas at hindi mabiktima ng pananamantala.