Nagbabala si Department of Migrant Workers o DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa mga Pilipinong nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa na huwag umalis ng Pilipinas gamit ang tourist visa o visa-free entry dahil lamang sa pangakong may naghihintay na trabaho sa kanilang pupuntahan.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Cacdac na dapat munang makakuha ng lehitimong work o employment visa ang mga aplikante at dumaan sa legal na proseso ng recruitment at dokumentasyon sa bansa bago bumiyahe.
Partikular niyang tinukoy ang mga nangangarap maging Overseas Filipino Worker o OFW na patungo sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN, dahil mataas umano ang panganib na sila ay maloko.
“Bago umalis sa kahit anong bansa, including the ASEAN countries, kung ang pakay ay magtrabaho, siguraduhing may tangan o hawak na work visa,” paalala ni Cacdac.
“Huwag pong umalis na ang pangako ng recruiter ay puwede na iyong visa-free, turista ka na muna saka ka na maghanap ng trabaho doon,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t malayang nakakapasok nang visa-free ang mga Pilipino sa mga bansang kasapi ng ASEAN para sa maikling pagbisita, hindi ito nagbibigay ng pahintulot para sila ay magtrabaho roon.
Pinayuhan niya ang mga naghahanap ng trabaho na huwag maniwala sa mga recruiter na nagsasabing maaari silang bumiyahe bilang turista at saka na lamang aayusin ang kanilang papeles pagdating sa destinasyon.
Ayon kay Cacdac, sinasamantala ng mga mapanlinlang na recruiter ang 15 hanggang 30 araw na pananatiling ibinibigay sa mga Pilipinong turista. Hihintayin umano ng mga ito na malapit nang mapaso ang visa ng biktima bago mag-alok ng trabaho upang mapilitan itong pumirma sa kontrata.
“Dahil ayaw nang umuwi ng ilan nang walang trabahong makukuha, napipilitan silang tanggapin ang alok kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang mga kondisyon ng kanilang magiging trabaho,” ani Cacdac.
Dagdag pa niya, inilalagay nito ang mga Pilipino sa panganib ng ilegal na pagtatrabaho at pang-aabuso dahil wala silang legal na proteksyon kung walang tamang dokumento.
“Hindi mo alam kung magkano na ang suweldo doon, ilang oras ang trabaho, workdays, rest days, overtime, at kung sang-ayon ba iyon sa batas ng host country. So, posibleng illegal din iyon doon,” paliwanag niya.
Nagbabala rin ang DMW sa publiko laban sa mga kahina-hinalang alok na may kasamang libreng pamasahe sa eroplano, lalo na ang mga nagpapadala ng mga Pilipino sa Singapore, Malaysia, at Brunei nang walang malinaw na detalye tungkol sa aktwal na trabaho o pupuntahan.
Pinag-iingat din ang mga aplikante sa mga alok sa industriya ng entertainment na maaaring mauwi sa sex trafficking, ilegal na gawain, at iba pang pang-aabuso.
Bago tumanggap ng anumang alok na trabaho o mag-book ng flight, hinihikayat ang mga aplikante na direktang i-verify ang kanilang recruitment agency o kontrata sa DMW sa pamamagitan ng pagtawag sa 8722-1144 o 8722-1155, o pagbisita sa opisyal na website na dmw.gov.ph.
“Ang importante, work visa, hindi tourist status. Madalas diyan sila nalilinlang,” pagtatapos ni Cacdac.