Sa kabila ng hindi pagkakaunawaan ng Pilipinas at China sa mga isyu sa West Philippine Sea, tuloy-tuloy pa rin ang pag-usad ng ilang mga proyekto na pinondohan ng Beijing sa bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Foreign Policy Expert, Professor Lucio Pitlo III, sinabi nito na magkaiba ang usapin sa territorial dispute at mga bilateral trade agreement ng mga bansa kaya hindi ito dapat makaapekto sa mga proyekto na napagkasunduan na ng bawat panig.
Ayon kay Prof. Pitlo, hindi lamang Pilipinas ang may isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. Nariyan din ang Malaysia, Vietnam, Indonesia at iba pang bansa ngunit hiwalay rin ang kanilang mga economic issue kaya patuloy rin ang kani-kanilang mga proyekto na pinondohan ng China.
Aniya, dito sa bansa, nariyan naman ang Kaliwa Dam at ang Tanay Wind Farm, patunay na kahit nagkakagirian ang ilang mataas na opisyal ng Pilipinas at China hingil sa teritoryo ay hindi nito naaapektuhan ang usaping pang-ekonomiya.
Binigyang-diin din ni Prof. Pitlo ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang posisyon ng Department of Foreign Affairs na maging maingat ang mga opisyal sa mga binibitawang salita upang mapanatili ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at China.