Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tapusin hanggang Biyernes, November 13 ang distribusyon ng tulong sa lahat ng vendors at may-ari ng food stalls na maaapektuhan ng mga ipatutupad na security measures para sa ASEAN Summit.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hangad ng pamahalaan na maipagkaloob sa lalong madaling panahon ang tulong sa mga apektado na karamihan ay mga maliliit na negosyante mula Pasay at Parañaque City.
Aniya, itinuturing na isang krisis ang pansamantalang pagkawala ng kita ng mga maliliit na negosyante, kaya mahalagang maibigay ang tulong bago magsimula ang ASEAN Summit.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program, bawat kuwalipikadong vendor ay binibigyan tig-P10,000 cash assistance.
NgayongHuwebes, nagpatuloy ang payout ng DSWD sa 1,462 vendors at business owners sa Parañaque City.
Bukod dito, may ipinamamahagi ring family food packs (FFPs) para makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang pansamantalang hindi makapag-operate ang kanilang mga negosyo.
Una nang namahagi ng tulong ang DSWD noong Linggo, November 8 sa mga vendor mula sa 30 establisyimento sa Pasay.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may matatanggap na ayuda ang mga maaapektuhang vendor at kanilang pamilya sa gitna ng pansamantalang pagkaantala ng kanilang kabuhayan.