Hinihintay na lang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pinal na listahan ng mga ambulant vendor sa kahabaan ng Pasay na apektado ng ipinatutupad na security measures sa ASEAN summit.
Ayon kay DSWD Crisis Intervention Program Dir. Edwin Morata, nang magtungo sa Pasay si Secretary Rex Gatchalian kahapon, napansin na may ilang mga vendor pa sa lansangan na kailangang bigyan ng tulong.
Nasa ₱10,000 cash aid ang target na maipamahagi ng DSWD sa bawat apektadong vendor sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Paglilinaw naman ni Dir. Morata, tanging mga maliliit na tindero at tindera lang ang prayoridad na mabigyan ng tulong, na na-validate na rin ng City Social Welfare and Development Offices.