Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan na ang Pilipinas ang nagsisilbing host country para sa ika-49 na ASEAN Summit ngayon taon.
“Ang 49th ASEAN Summit ay nandito na at lubos tayong nananabik na salubungin at tanggapin ang ating mga bisita mula sa iba’t ibang bansa.” — Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, maraming hamon ang kinakaharap sa kasalukuyan, hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng iba pang mga bansa.
Nariyan ang mataas na presyo ng langis at iba pang bilihin, paghina ng ekonomiya ng ilang bansa, at mga usapin sa seguridad.
Marami aniya sa mga problemang ito ay hindi kayang solusyunan ng Pilipinas nang mag-isa. Dito papasok ang ASEAN, lalo’t pagkakataon ito upang mag-usap-usap ang magkakalapit na bansa, magtulungan upang hanapan ng solusyon ang mga problemang kinahaharap sa rehiyon.
“At iba pa rin kapag personal na nagkikita ang mga leader. Mas malalim ang pag-uusap, mas napapalakas ang tiwala, at mas madaling magkasundo sa mga kongkretong hakbang. Bilang host ng 49th ASEAN Summit, mayroon din tayong napakalaking pagkakataon na manguna sa paghubog ng agenda at bigyang-prayoridad ang mga usaping pinakamahalaga sa ating mga kababayan tulad ng presyo ng langis at pagkain, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan.” — Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, tapos na ang paghahanda para sa ASEAN. Sabik na ang gobyerno sa pagsisimula ng summit, at tiyak aniya na lalabas ang galing at pagkamalikhain ng mga Pilipino sa pagdaraos ng ASEAN Summit.
“Noong nag-inspeksyon ako, nakita ko naman napakaganda ang inyong mga naging produkto, yung mga ipapakain. Kaya tiyak ako na ito ay maaalala nila at ito ay magiging dahilan kung bakit sila ay babalik dito sa atin. Kaya ngayon, higit kailanman, kailangan natin ang pakikiisa ng ating mga komunidad sa pagtanggap sa ating mga bisita. Tunghayan din ang mga kaganapan at makibalita sa TV o social media. We should all be very, very proud.” -Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, kabilang din ang pagpapalakas sa turismo ng bansa, sa mga benepisyo ng hosting na ito. Umaasa si Pangulong Marcos na pagbalik sa bansa ng mga bisitang ito, para na sa bakasyon at bitbit nila ang kanilang mga kaibigan at pamilya.
“Ang ugnayan natin sa ASEAN ay napakahalagang haligi sa kalakalan, sa usaping seguridad, sa pagprotekta sa kapakanan ng ating mamamayan, ating mga OFW, mga negosyante, at simpleng turista.” -Pangulong marcos.