Pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inspeksyon sa mga barko para sa kaligtasan ng mga biyahero ngayong Undas.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, kabilang sa sinusuri bago payagang bumiyahe ang mga barko ang kagamitan laban sa sunog, mga kagamitang pansagip-buhay, talaan ng mga pasahero at pagsunod sa itinakdang kapasidad.
Tinututukan din ang maayos na pagkakasalansan at pagkakatali ng mga kargamento upang hindi makaharang sa mga emergency exit.
Binigyang-diin ni Cayabyab na pananagutan din ng mga operator at shipping company ang pagsunod sa mga patakaran sa kaligtasan at pag-iwas sa sunog.
Magpapakalat ang PCG ng 17,000 tauhan mula October 29 hanggang November 3 para umalalay sa inaasahang 1.5 milyon hanggang dalawang milyong pasahero sa mga pantalan.
Patuloy din ang koordinasyon nito sa Maritime Industry Authority at Philippine Ports Authority para sa maayos na operasyon ng mga barko.
Pinayuhan naman ang mga biyahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit at i-report ang kahina-hinalang bagahe o indibidwal sa pamamagitan ng e-SUMBONG QR code sa mga terminal at barko.