Hiniling ng Estados Unidos sa ilang bansang kasapi ng NATO sa Europa na maging maingat sa kanilang mga pahayag hinggil sa banta ng Russia.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ng apat na source na may kaalaman sa usapin, kabilang sa mga bansang nakatanggap ng naturang paalala ang Lithuania, Latvia at Estonia.
Ikinabahala ng Pentagon ang paglalarawan sa Russia bilang bansang kumikilos nang desperado habang nagpapatuloy ang digmaan nito sa Ukraine.
Ayon sa mga source, hinimok ni Pentagon policy chief Elbridge Colby ang isang opisyal ng Baltic region na iwasang magbigay ng mga pahayag na maaaring magmukhang pang-uudyok sa Moscow.
Magkakaiba naman ang pananaw ng mga bansang miyembro ng NATO.
Para sa ilan, maaaring gamitin ng Russia ang matitinding pahayag upang maghasik ng takot.
Ngunit naniniwala ang iba na mahalagang ipabatid sa publiko ang tunay na panganib upang mapanatili ang suporta sa pagpapalakas ng depensa at pagtulong sa Ukraine.