Sinimulan ng paganahin ng Office for Transportation Security (OTS) ang kanilang mga Operation Center ng 24 oras bilang paghahanda sa dagsa ng mga biyahero ngayong darating na Undas sa iba’t ibang mga transportation hub sa bansa.
Ito’y upang kaagad nilang matugunan ang mga pangangailangan ng mga byahero at ang iba pang insidente.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay OTS Administrator Usec. Gilberto DC Cruz, sinabi nito na katuwang nila ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang seguridad at kaligtasan sa mga transportation hub.
Ayon pa kay Usec. Cruz, nag-deploy na rin sila ng mga Security Auditor para masiguro na nasusunod ang mga polisiya ng bansa at international standard pagdating sa operasyon ng mga transportation company.
Sinabi rin ng opisyal na naglunsad na sila ng kanilang information campaign para sa public awareness tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin o dalhin sa panahon ng paglalakbay.
Binigyan-diin niya na kailangang siguraduhin na walang mga ipinagbabawal o iligal na bagay sa kanilang mga bagahe at sundin ang mga alituntunin upang maiwasan ang pagkaantala ng kanilang biyahe.