Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang Regional at Local Police units na agad umaksyon sa mga beripikadong ulat ng pagnanakaw at panloloko.
Ito’y upang mapigilan ang mga kriminal na samantalahin ang pangamba ng publiko sa gitna ng paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., paiigtingin ang intelligence monitoring at pagpapatrolya sa mga lugar na vulnerable areas upang maprotektahan ang mga mamimili at maliliit na negosyante.
Layon nito na maiwasang mauwi sa public panic o kaguluhan ang pangamba sa ekonomiya.
Naitala ngayong linggo ang record low na ₱64.17 na palitan ng piso kontra dolyar, na nagdulot ng pangamba sa posibleng epekto nito sa gastusin ng mga pamilya at presyo ng mga inaangkat na produkto.
Tiniyak ni Nartatez, na patuloy na babantayan ng pulisya ang mga komunidad, pamilihan, at food supply chain laban sa pagsasamantala ng mga kriminal at mga sindikato upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.