Ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System o ORAS para mapabilis ang pagpapareserba ng biyahe ngayong Undas.
Sakop nito ang mga piling ruta sa mga pantalan ng Balanacan, Batangas, Calapan at Lucena mula October 28 hanggang November 3.
Sa pamamagitan ng ORAS, maaaring tingnan ng mga pasahero ang iskedyul ng biyahe at magpareserba bago magtungo sa pantalan.
Ayon kay PPA Assistant General Manager for Operations Mark Jon Palomar, may online help desks at hotlines para umalalay sa mga pasahero. Mayroon ding personal na asistensya sa apat na pantalan para sa mga walang internet.
Pinaalalahanan din ang mga pasahero na dalawang oras bago ang nakatakdang pag-alis ang bisa ng ORAS Pass, mula sa dating tatlong oras.
Inaasahan ng PPA ang nasa 1.93 milyong pasahero sa mga pantalan mula October 27 hanggang November 5.
Para sa mga rutang hindi sakop ng ORAS o mga biyaheng labas sa itinakdang reservation period, maaaring dumiretso sa ticketing booth ng napiling shipping line.