Tinalakay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ang pagpapataas ng kapasidad ng Old Wawa Dam sa Montalban, Rizal bilang paghahanda sa posibleng kakulangan ng tubig dulot ng inaasahang Super El Niño.
Pinangunahan ni Public Works Secretary Banoy Lopez, kasama si Transportation Secretary Vince Dizon at mga kinatawan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, ang inter-agency meeting nitong Miyerkules.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang paghahanda sa posibleng kakulangan ng suplay ng tubig.
Layong magsilbing agarang tugon ang pagpapataas ng kapasidad ng dam habang binubuo ang pangmatagalang master plan sa pakikipagtulungan sa Japan International Cooperation Agency.
Kabilang sa master plan ang pagtatayo ng apat na retarding basin o pansamantalang imbakan ng tubig-baha at dalawang dam upang mabawasan ang pagbaha sa mabababang lugar sa Metro Manila.