Mas magiging mabilis at tumpak na ang pagsubaybay sa lagay ng panahon sa bansa matapos ilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagong Philippines AI Artificial Intelligence (AI Forecast).
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., nakipag-partner ang PAGASA sa US-based weather firm na Atmo upang gamitin ang nasabing AI service na bahagi ng hakbang na tinatawag na AI-for a Resilient Philippines (AI-4RP).
Sa tulong ng makabagong teknolohiyang ito, makapagbibigay na ang ahensya ng ulat-panahon kada tatlong oras—mas mabilis kumpara sa mas mahabang pagitan ng pag-uulat noong mga nakaraang panahon.
Inaasahang malaki ang maitutulong nito sa mas maagang paghahanda ng publiko at ng mga lokal na pamahalaan laban sa biglaang pagbabago ng panahon at mga parating na kalamidad.
Ilan sa mga pangunahing katangian ng bagong AI forecast system ay ang mga sumusunod:
- 14-Day Extended Outlook: Kung ang tradisyunal na Numerical Weather Prediction (NWP) model ay kadalasang umaabot lamang sa limang araw na pagtataya, ang AI system ay kaya nang magbigay ng hanggang 14-na araw na pagtataya ng panahon upang mas maagang makapaghanda ang publiko at mga lokal na pamahalaan.
- Madalas na Pag-update: Nakapaghahatid na ito ng datos sa masikip na pagitan (hanggang kada 15 minuto hanggang tatlong oras), na mas mabilis kumpara sa mga nakaraang sistema.
- Komprehensibong Datos: Bukod sa ulan at hangin, maaari ring mamatyagan sa platform ang heat index, temperatura, atmospheric pressure, at humidity.
Binigyang-diin ni Solidum na ang sistema ay malaking tulong hindi lamang sa pagtukoy ng mga parating na bagyo at baha kundi pati na rin sa pagbibigay ng babala sa matinding init o panahon ng El Niño.
Malaki rin itong gabay para sa mga manggagawang nasa labas ng gusali, gayundin sa pagpapasya ng mga lokal na pamahalaan hinggil sa suspensiyon ng klase at trabaho.
Maaaring ma-access ng publiko ang mga detalyeng ito sa pamamagitan ng PANaHON app at opisyal na website ng ahensya (panahon.gov.ph).
Bagamat isinama na ang AI, nilinaw naman ng PAGASA na patuloy pa rin nilang gagamitin ang tradisyunal na NWP models bilang katuwang sa pagsusuri ng mga kumplikadong galaw ng panahon.