Sa pamamagitan ng pagbibigay-tulong ng Saudi Arabia sa mga Pilipinong conjoined twins sa ilalim ng Saudi Conjoined Twins Programme (SCTP), naipapakita ang patuloy na magandang ugnayang diplomatiko sa pagitan ng naturang Kaharian at ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia Raymond Balatbat sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service kaugnay ng matagumpay na paghihiwalay sa conjoined twins na sina Olivia at Gianna Manuel sa isang operasyon sa King Abdullah Specialist Children’s Hospital (KASCH) sa Riyadh nitong Hunyo 18.
Ayon kay Ambassador Balatbat, tinitingnan nila ang mga potensyal upang mapalalim pa ang relasyon ng Pilipinas at Saudi Arabia, partikular na sa health sector, dahil bukod sa pagkakaroon ng SCTP ay marami rin ang Filipino nurses sa KSA.
Matatandaan na sinagot ng pamahalaan ng Saudi Arabia, sa ilalim ng SCTP, ang lahat ng gatusin para sa operasyon kambal na Manuel.
Bago pa ito ay nauna nang napaghiwalay sa ilalim din ng SCTP ang kambal na sina Klea Ann at Maurice Ann Misa noong Abril 24.