Magmula nang opisyal na maipakilala sa sambayanang Pilipino ang eGovPH Super App ay naitala ang mahigit 56 milyong downloads at mahigit 800 milyong transaksyon sa naturang mobile application.
Ang paglulunsad ng eGovPH Super App ay bahagi lamang ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mailapit sa ating mga kababayan ang serbisyo ng ating pamahalaan.
Kaugnay nito, inihayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary for e-Government David L. Almirol, Jr. sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service na sila ay namangha sa naging pagtanggap ng publiko sa eGovPH Super App, kung saan nagkaroon din ng 700 beses na pagtaas sa paggamit nito kumpara noong 2025.
Ayon pa kay Usec. Almirol, ipinapakita ng milestone na ito na “techie” ang mga Pilipino dahil napakikinabangan nila nang husto ang features ng eGovPH Super App.
Dagdag ng DICT official, na-appreciate ng eGovPH Super App users na hindi na sila kailangan pang pumunta sa mismong opisina ng mga ahensya ng pamahalaan dahil kahit nasa bahay ay maaari na silang magsagawa ng government transactions gamit ang mobile application.